Sa bawat hakbang,
naririnig ang ingit ng sapatos sa daang
galing sa bundok ng Lumandas,
pati ang dahon sa gilid
gumuguhit sa talampakang nagmamadali.
Ang hanging tila ayaw bumitaw sa gabi
ay sumasalat sa balat,
lamig na umaabot sa kalamnan.
Binubuo ko ang hamog sa bibig,
tulad ng paghawak sa alaala—
ang ikot ng buhok mo sa noo,
ang ngiting kayhirap hulihin ng tingin.
Bigla kong naisip ang daliri sa paang
nasubsob sa kanto ng pinto,
sa pagkabigla nang dumaan ka sa harapan.
Ni hindi mo tinapunan ng tingin.
Ang Enero sa Marinduque—
mas malapit ang langit sa lupa,
ang hamog ay kumot,
ang lamig ay sapot na hindi kayang ikubli
ang araw na dahan-dahang nawawala.
At ikaw, marahil,
nasa panaginip pa,
kung saan ang bawat daan ay maaaninag
ngunit hindi mararating,
kung saan ang mga ibon ay nag-aawitan,
at ang batis ay paulit-ulit na nagsasalaysay
ng mga hindi ko kailanman maririnig.
Hinugot kita mula sa panaginip,
tulad ng pagdama sa hapdi ng sugat,
tulad ng pagkagat sa langib ng daliri—
hindi upang masaktan,
kundi upang malaman
kung ako na rin ba ang dapat gumising.
-Stafford Challenge 2025
No Comments