Panaghoy
ni Allen Ginsberg
(salin sa Pilipino ni April Pagaling)
Para kay Carl Solomon
I.
Nasilayan ko ang pinakamatatalas na isip ng aking henerasyon, nilamon ng kabaliwan
. . . . . . dinadayukdok, nawawala sa sarili, hubad,
hila-hila ang mga anino ng kanilang pagkatao sa mga lansangan ng madaling-araw,
. . . . . . nagpupumilit humagilap ng nagngangalit na pampamanhid.
Mga anghel na makata ng dilim, naglalagablab ang pagnanasa para sa ugnayang makalangit,
. . . . . . sa mga talang sumisilakbo’t nagtatanglaw sa kaluluwa ng gabi.
Na sa karukhaan, gutay-gutay, at hungkag na mga matang bangag,
. . . . . . nakaayukmod, nilalanghap ang ulap ng usok na bumabalot sa malamig at marungis na dilim ng kanilang mga silid—
mga kwartong parang lumulutang sa itaas ng lungsod,
. . . . . . nagbubulay-bulay sa mga himig ng jazz.
Mga utak na isinukob sa ilalim ng dumadagundong na tulay ng tren,
. . . . . . at nakita ang mga anghel ni Mohammed, pasuray-suray sa mga bubong ng barung-barong,
nagningning sa liwanag.
Sila na nagdaan sa mga unibersidad, mga matang umiikot na parang trumpo—matining at matalas,
. . . . . . nangangalumata sa mga guniguni ng Arkansas at trahedya ng Blake-light
sa piling ng mga iskolar ng digmaan.
Sila na itinaboy mula sa mga akademya dahil sa pagkabaliw,
. . . . . . at sa paglimbag ng malaswang mga berso sa nakalulunos na tanawin ng kaisipan.
Sila na nangangatog at nagkubli sa maruruming silid, nakasuot lamang ng panloob,
. . . . . . sinusunog ang huling pera sa basurahan habang binabantayan ang Lagim na kumakaluskos sa dingding.
Sila na natimbog sa kanilang balbas na waring bulbol,
. . . . . . pabalik sa Laredo, baon ang sinturong ng marijuana para sa New York.
Sila na lumulon ng apoy sa mga gusgusing hotel,
. . . . . . uminom ng turpentine sa Paradise Alley, sa bisig ng kamatayan,
at pinatawan ang kanilang laman ng walang katapusang parusa gabi-gabi—
. . . . . . sa mga panaginip, sa droga, sa gising na bangungot,
sa alak, sa laman, at sa walang hanggang pagnanasa.
Hindi matutularang bulag na mga lansangan ng nangangatal na ulap at kidlat na gumuguhit sa isipan,
. . . . . . tumatalon patungo sa mga poste ng Canada at Paterson,
binibigyang-liwanag ang nakapirming tahimik na mundo ng Panahon sa pagitan.
Mga bulwagang tumitibay sa ilusyon ng peyote, punong luntian sa likod-bahay, bumubukang liwayway,
. . . . . . mga lasing sa alak sa bubungan,
kumukurap na neon sa harap ng mga tindahan ng damong ligaw, humahagibis sa lansangan,
araw, buwan, at mga punong umiindak sa naghuhumiyaw na dapithapon ng taglamig sa Brooklyn,
. . . . . . walang tigil na pagngangawngaw mula sa tambakan ng abo at banayad na liwanag ng isipan ng hari ng kabutihan.
Sila na iginapos ang sarili sa mga tren ng subway para sa walang katapusang biyahe mula Battery hanggang banal na Bronx,
. . . . . . binulag ng benzedrine, hanggang ang alingawngaw ng gulong at hiyawan ng mga bata ang sumira sa gapos nila—
. . . . . . nanginginig, basag ang bibig, at wasak ang isipan,
walang liwanag na naiwan sa malamlam na liwanag ng Zoo.
Sila na nilunod ang gabi sa submarinong liwanag ng Bickford’s,
. . . . . . lumutang palabas at nagpalipas ng hapon sa mapanglaw na amoy ng lumang serbesa sa lugmok na Fugazzi’s,
nakikinig sa wasak na tunog ng katapusan ng mundo,
. . . . . . hinuhubog ng kumukurap na liwanag ng lila’t asul na makina ng musika.
Sila na sinapian ng salita sa loob ng pitumpung oras,
. . . . . . mula sa parke patungong tirahan, mula bar patungong Bellevue,
mula museo hanggang sa Brooklyn Bridge.
Isang naliligaw na batalyon ng mga tagapagsalita ng ideya ng kapayapaan,
. . . . . . tumalon mula sa mga lagusan ng kaligtasan, mga pasamano,
mula sa Empire State, mula sa buwan,
walang tigil na satsatan, nagsisigawan, sumusuka, bumubulong ng mga kwento’t alaala,
. . . . . . mga pira-pirasong salaysay, mga matang humalik sa paa, kuryente de gulat ng mga ospital, ng kulungan, ng digmaan—
Ang buong kamalayan, iniluluwa ng kanilang gunita nang walang humpay sa pitong araw at gabi,
. . . . . . mga matang kumikislap, mga lamang inialay sa altar ng Sinagoga, itinapon sa semento ng lansangan.
Sila na nabulong sa mga espasyo ng kawalan Zen New Jersey,
. . . . . . nag-iiwan ng bakas ng mga misteryosong imahe’t pabatid mula sa Atlantic City Hall,
Sa pagitan ng panginginig at pagsabog ng sakit ng katawan mula sa silanganing pagkagumon,
. . . . . . matatalim na taliptip ng buto mula sa Tanger,
. . . . . . at mga makawasak ulong sakit ng Tsina—habang hinahalihaw ng pamamaalam ang kaluluwa’t katawan mula sa multo ng adiksyon,
. . . . . . sa madilim na silid ng Newark, na nilamon ng anino ng kawalan.
Sila na paikot-ikot sa dilim ng hatinggabi sa tagpuan ng tren,
. . . . . . nagmumuni kung saan tutungo, at tuluyang umalis nang walang iniwang pusong basag,
Sila na nagsindi ng sigarilyo sa loob ng mga bagon, bagon, bagon,
. . . . . . humahagibis sa niyebe patungo sa mga malulungkot na bukirin ng umiika-ikang gabi.
Sila na nag-aral kay Plotinus, Poe, San Juan de la Cruz, telepatiya, at bop kabbalah,
. . . . . . dahil ang uniberso’y likas na umalindayog sa kanilang paanan sa Kansas,
Na isinanla ang sarili sa mga lansangan ng Idaho, hinahanap ang mga bisyonaryong anghel na katutubo—
. . . . . . na sila ring naging mga bisyonaryong anghel,
Sila na inakalang baliw lamang nang magningning ang Baltimore
. . . . . . sa hindi maipaliwanag na pagkatuwang ganap.
Sila na tumalon sa mga limousine kasama ang Intsik ng Oklahoma,
. . . . . . dahil sa bugso ng damdamin sa hatinggabi ng taglamig, sa ilalim ng ilaw ng kalye at ambon ng munting bayan,
Sila na nagpalaboy-laboy, gutom at nag-iisa, sa Houston, naghahanap ng jazz, o katalik, o sopas,
. . . . . . at sinundan ang intelehenteng Espanyol upang pag-usapan ang Amerika at ang Walang Hanggan—
isang layuning walang saysay—kaya’t naglayag patungong Aprika.
Sila na nilamon ng mga bulkan ng Mexico,
. . . . . . walang iniwang bakas kundi anino ng maong na pantalon.
Iniwan nila ang nagbabagang lava at abo ng tula,
. . . . . . nakakalat sa nagliliyab na Chicago.
Sila na muling lumitaw sa Kanlurang Baybayin,
. . . . . . nagsisiyasat sa FBI, mahahaba ang balbas at naka-shorts,
Mga nag-aastang pasipista, mabibilog at malalaking mata,
. . . . . . kaakit-akit sa kanilang kayumangging balat,
Namamahagi ng mga polyetong walang makaintindi.
Sila na ginawang patayan ng sigarilyo ang kanilang mga braso
. . . . . . nagpoprotesta laban sa makapal na ulap ng Kapitalismo ng tabako,
Sila na namahagi ng radikal na polyeto sa Union Square, nananangis habang naghuhubad,
. . . . . . sa saliw ng mga sirena ng Los Alamos na bumulabog sa kanila,
na dumagundong hanggang Wall, at umalingawngaw sa Staten Island ferry,
Sila na humagulgol sa puting gymnasium, hubad at nanginginig,
. . . . . . sa harap ng makinarya ng ibang mga kalansay—dating tulad nila.
Sila na kumagat sa leeg ng mga detektib at naghuhumiyaw sa tuwa sa loob ng mga sasakyan ng pulis,
. . . . . . na walang ibang kasalanan kundi ang sarili nilang makasalanang pagnanasa at pagkalango.
Sila na umaalulong habang nakaluhod sa subway, at kinaladkad mula sa bubungan,
. . . . . . iwinawagayway ang kanilang mga kaselanan at mga burador.
Sila na nagpabaya sa sarili, pinasok ng banal na ari ng mga motorista, at napasigaw sa tuwa,
. . . . . . sila na sumubo at sinubo ng mga nilalang ng liwanag, ang mga marinero,
sa haplos ng Atlantiko at lambing ng pag-ibig ng Karibe.
Sila na nagtalik sa umaga, sa gabi, sa mga hardin ng rosas,
. . . . . . sa damuhan ng mga pampublikong parke at sementeryo,
ikinakalat ang kanilang binhi nang malaya sa kahit sinong dumating.
Sila na walang tigil sa kasisinok, pilit na tumatawa, ngunit nauwi sa hikbi
. . . . . . sa likod ng partisyon sa Turkish Bath,
nang dumating ang hubad na anghel na may ginintuang buhok
. . . . . . upang saksakin sila ng espada.
Sila na nawalan ng mga binatang kasintahan dahil sa tatlong matandang bruha ng kapalaran—
. . . . . . ang bruhang bulag sa isang mata, bihag ng pamantayan ng heterosexual na dolyar,
ang bruhang bulag sa isang matang kumikindat mula sa sinapupunan,
. . . . . . at ang bruhang bulag sa isang mata na walang silbi kundi maupo,
. . . . . . at putulin ang gintong sinulid, winawasak ang malikhaing habihan ng talino.
Sila na masidhing nakipagtalik, walang kasawaan, sa bote ng serbesa, kasintahan,
. . . . . . isang pakete ng sigarilyo, kandila, at nahulog mula sa kama,
nagpatuloy sa sahig, gumapang sa pasilyo,
. . . . . . at nawalan ng malay sa pader,
na may guni-guni ng sukdulan, walang kapantay na laman at likido ng pagnanasa,
. . . . . . na tumakas mula sa huling pintig ng ulirat.
Sila na pinatamis ang mga lihim ng milyong dalaga, nangangatal sa dapithapon,
. . . . . . namumula ang mga mata sa umaga ngunit handang magpatamis muli
ang sandaling bukang-liwayway, nagwawagayway na mga puwitan sa lilim ng mga kamalig,
. . . . . . at hubad sa lawa.
Sila na nagpakalunod sa pagpuputa sa Colorado, sakay ng di-mabilang na ninakaw na kotse sa dilim ng gabi,
. . . . . . si N.C., ang lihim na bayani ng mga tulang ito—cocksman at Adonis ng Denver—
Kaligayahan sa alaala ng di-mabilang niyang pakikipagtalik sa mga dalaga sa mga bakanteng lote at likuran ng mga kainan,
. . . . . . sa hilera ng mga upuang sira-sira sa sinehan, sa tuktok ng bundok, sa mga kweba,
o kasama ang mga payat na serbidora sa gilid gilid ng mga kalsada kung saan pinalipas ang kanilang kapusukan
. . . . . . sa malulungkot na pag-angat ng mga gusot na saya,
at lalo na sa mga lihim na sandali ng pagsasarili sa mga kubeta ng gasolinahan,
. . . . . . at sa mga eskinita ng kanilang bayan.
Sila na nalunod sa dagat ng maruruming pelikula,
. . . . . . hinila ng mga panaginip, biglang nagising sa Manhattan,
Hapo sa dilim, lasing sa lason ng Tokay,
. . . . . . at bangungot ng bakal sa Third Avenue,
Sumuray-suray patungo sa mga opisina ng kawalan ng trabaho.
Sila na naglakad magdamag, tigmak ng dugo ang sapatos,
. . . . . . sa nagyeyelong daungan, naghihintay sa pintuan ng East River
na magbukas patungo sa isang silid na humihinga ng singaw, init, at opyo.
Sila na nagtanghal ng dakilang trahedya ng pagpapatiwakal
sa mga paupahang bahay sa gilid ng bangin ng Hudson,
sa ilalim ng bughaw na liwanag ng buwan sa panahon ng digmaan,
. . . . . . at ang kanilang mga ulo’y pinutungan ng laurel sa kawalan.
Sila na nilamon ang nilagang tupa ng imahinasyon,
. . . . . . o nakalunok ng alimango mula sa maputik na kailaliman ng mga ilog sa Bowery,
Sila na nanangis sa romansa ng mga kalye, mga kariton na puno ng sibuyas at musikang sintunado,
Sila na naupo sa loob ng mga kahon, humihinga sa dilim sa ilalim ng tulay,
. . . . . . mula sa anino, tumindig upang lumikha ng musika sa tuktok ng kanilang tahanan.
Sila na umubo sa ikaanim na palapag ng Harlem, pinutungan ng apoy sa ilalim ng langit ng tuberkulosis,
. . . . . . napapaligiran ng mga kahon ng kahel na puno ng teolohiya,
Sila na nagsulat magdamag, umiikot at pumapaimbulog sa mga mahiwagang bulong,
. . . . . . na sa dilaw na umaga’y naging mga taludtod ng walang saysay na salita,
Sila na nagluto ng mga bulok na hayop—baga, puso, paa, buntot—borscht at tortilla,
. . . . . . nangangarap ng isang dalisay na kaharian ng gulay.
-hindi pa tapos 😁😅