Anak I
#writing
Anak I
April Pagaling
Sinasamba kita, paulit ulit at walang patid
Habang iniaanak ng bawat ina ang mga suwail
Mga sanggol na pipitas sa kanyang pasensya
Ika’y pinatawad ko na.
Pinagpipitaganan ko ang bawat sambit, palatak
Ang matining mong tinig na sisidlan
Ng kalahating ako at kawalan.
Iniibig kita ng walang habag.
Ipinagdarasal ko ang mapagpalaya mong yakap
Ang mga kamay mong nagniningas sa kagubatan
Ang sintas ng sapatos mong walang malay.
Ang iyong bawat hakbang palayo sa aking sinapupunan.
O Dios, turuan mo akong huwag matakot sa kawalan
Huwag iasa sa iyo ang aking kaligayahan
Huwag angkinin ang iyong kagandahan
At matutong huwag kang ikukulong sa altar.
—-
Anak II
(Trans. Rainier Maria Rilke)
Ni hindi mo na natikman ang mga yakap ko,
ikaw, na nawaglit na sa simula pa man,
Minamahal, anong mga hele ang makapagpapatulog sa iyo?
Hinahanap ka ng mata ko’y tila alon ang mga sandali.
Dahang dahang binubura ang mga larawang nais kong ipakita sa iyo.
Mga syudad, tulay na walang tubig, mga dragon at kastilyo,
at yaong mga daang hindi mo alam kung saan patungo.
Gumuguho na ang lupang pangako, na minsan mong pinatingkad sa iyong pagbisita.
Lahat ng ito, ikaw.
Ikaw na nawaglit sa simula pa man.
Minamahal, ang aking lahat lahat.
Ipinagtatagis ng aking mga bagang ang bawat hardin, mga bukas na bintana.
Kapara ng lungkot na ito’y di mo nakikita.
Marahil ay sisilip ka at kakaway sa aking pagdaan.
Marahil, nilalakad mo ngayon ang kalsadang ito,
sa kaparehong mundo na mga anghel lamang ang pwedeng dumaan.
Sa mga balintataw lamang kita nakikitang dumaraan.
Subalit kahit anong dahan dahan, wala ka sa aking paglingon.
Walang nakakaalam, pero marahil, sana, ay pareho tayong inawitan
ng iisang pipit kahapong dapithapon, kahit magkahiwalay.
(Trans. Rainier Maria Rilke)
July 2, 2005
Edited: July 16, 2009